TAWHEED AL-RUBUBIYAH (KAISAHAN NI ALLAH SA KANYANG ABILIDAD)

توحيد الربوبية باللغة الفلبينية

Alam mo ba kung ano ang karapatan ni Allah ﷻ mula sa kanyang mga alipin?…

At naisip mo ba papaano natin ito magagampanan?…

 

Ang karapatan ni Allah ﷻ mula sa kanyang mga alipin ay kanilang pagsamba sa kanya ng walang pagtatambal, at ang Tawheed o kaisahan ni Allah ﷻ  ay nahahati sa tatlong klase: Tawheed Al-Rububiyah, Tawheed Al-Uluhiyah, Tawheed Al-Asmaa wa Al-Sifaat.

 

Ang Tawheed Al-Rububiyah ay kaisahan ni Allah ﷻ sa kanyang kapangyarihan at abilidad. Ito ay ating panghahawakan ng walang alinlangan na si Allah ﷻ ang nag-iisa sa kanyang abilidad na lumikha, pagbaba ng biyaya, at pangangasiwa.

 

At ating paniniwalaan na si Allah ﷻ ang nag-iisa sa kanyang kaharian, pagbibigay ng buhay, at ganun rin sa pagbawi nito. At si Allah ﷻ lamang ang nag-iisa sa pagtulong, at pagpapahintulot ng pinsala o kapahamakan, at siya ang nag-iisa sa pakikinig ng mga panalangin ng mga nangangailangan.

 

At ang Allah ﷻ ay nilubos ng walang limitasyon na biyaya ang lahat ng kanyang mga alipin, at biyaya ng gabay ay pinagkaloob lamang sa mga mananampalataya, si Allah ﷻ  ang panginoon at lumikha ng lahat,  lahat ay sumasailalim sa kanyang kaharian, ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan at kung ano ang nasa pagitan nito ay kanyang tagasunod.

 

At kahit ang mga hindi mananampalataya sa Makkah (Quraish) ay naniniwala sa ganitong uri ng kaisahan ni Allah (Al-Rububiyah), ngunit kahit sila ay maniwala sa Al-Rububiyah (kaisahan ni Allah sa kanyang mga kakayahan), ito ay hindi sapat hanggat hindi sila naniniwala sa kaishan ni Allah ﷻ sa pagsamba (Al-Uluhiyah) at sa kaisahan ni Allah ﷻ sa kanyang mga pangalan at mga katangian (Al-Asmaa wa Al-Sifaat).

 

 

 

والله تعالى أعلم…

GALAW NG ATING DILA SA PAG-ALALA SA ALLAH ﷻ

تحريك_اللسان_في_الذكر_باللغة_الفلبينية

Kinakailangan ba na gumalaw ang ating dila sa tuwing tayo ay nagbabasa ng Qur’an o sa tuwing pag-alala sa Allah?

 

– Ang Dhikr o pag-alala sa Allah سبحانه و تعالى ay nabibilang sa pinakadakilang pagsamba ng isang Muslim, at bukod dito, naisasagawa ito sa pamamagitan ng pagsambit ng dila, ito rin ay dapat isagawa ng may mataimtim na puso at sumasambang katawan.

 

– Ang pag-alala na isinasapuso ay pagnilay-nilay sa mga tanda na ibinigay ng Allah سبحانه و تعالى  na may kasamang pagkatakot, pagmamahal, at pagtitiwala, at iba pa na mararamdaman ng ating puso.

 

– Ang pag-alala naman gamit ang ating dila ay ang pagbibigkas ng lahat ng mga salitang minamahal ng Allahسبحانه و تعالى upang mapalapit sa Kanya; at ang pinakamataas sa mga salitang ito ay ang pagsambit ng:

“La ilaha illallah”- walang ibang diyos na karapatdapat sambahin maliban sa Allah.

 

– Ang pag-alala naman sa Allah سبحانه و تعالى gamit ang ating katawan, ito ay ang pagsasagawa ng lahat ng gawain/pagsamba upang mapalapit sa Allah سبحانه و تعالى  katulad ng:

Salah, Pagpapatirapa, Pagpapakapagod para sa landas ng Allah, at pagsasagawa ng kawanggawa.

 

Lahat ng ito ay nabibilang sa pag-alala sa Allah ﷻ.

 

Kaya’t ang pag-alala sa Allah, katulad ng:

pagbabasa ng Qur’an, pagsambit ng Tasbeeh (Subhanallah), Tahmeed (Alhamdulillah), Tahleel (La ilaha illallah), mga panalangin na binabanggit tuwing umaga, gabi, sa pagtulog, pagpasok ng palikuran at iba pa, ay dapat binibigkas sa ating gumagalaw na dila, at hindi ito matatawag na tunay na pag-alala kapag ito ay hindi binigkas ng ating dila.

 

Si Imam Malik رحمه الله  ay tinanong tungkol sa taong nagbabasa sa dasal, at walang nakakarinig sa kanya, kahit ang kanyang sarili.

 

Sinabi ni Imam Malik رحمه الله ” : Hindi ito matatawag na pagbabasa, dahil ang pagbabasa ay kung saan ang dila ay gumagalaw”.

 

At tinanong si Sheikh Ibn Uthaymin ; رحمه الله

“Kinakailangan ba na bigkasin sa dila ang pagbabasa ng Qur’an sa loob ng Salah, o sapat na ito ay sa puso lamang?”

 

Ang sagot ni Sheikh Ibn Uthaymin: رحمه الله

“Hindi makukuha ang gantimpala sa Salah ng tao na nagbabasa lamang sa kanyang puso, ganoon din sa mga Adhkar o pag-alala sa Allah.

 

Nararapat na gumalaw ang dila at mga labi sa kadahilanang ito ay mga salita, at ang pagbigkas ng salita ay hindi mabubuo kundi sa pag-galaw ng dila at mga labi”.

 

والله تعالى أعلم…

MGA KATURUAN SA PANUNUMPA

أحكام اليمين باللغة الفلبينية

Ang (Yamin o Qasam) sa wikang arabik ay pagsambit ng isang dakila para sa larangan ng isang bagay, ito rin ay matatawag na panunumpa. Maaaring manumpa gamit ang pangalan ng Allah ﷻ, katulad ng pagsabi ng: “Wallaah, Warrahmaan…”, at pwede rin sa pamamagitan ng katangian ni Allah ﷻ, katulad ng: “Wa Izzatullah wa jalaluhu”.

 

At ang dahilan sa panunumpa ay upang panindigan at pagbibigay patunay sa isang bagay. At upang mas lubos na paniwalaan ng tao ang taong manunumpa, o kaya naman ay para mas magkaroon ng determinasyon ang taong manunumpa, at pwede rin gamitin ang panunumpa bilang pag-uutos o pagbabawal.

 

Ating dapat tandaan na ang panunumpa ng madalas ay kinamumuhian sa turo ng Islam, sa sinabi ng Allahﷻ  sa Qur’an: “At huwag kang sumunod sa bawa’t taong walang katuturan, labis sa panunumpa”. At sinabi ni Allah: “inyong pangalagaan ang inyong panunumpa”.

 

Mahigpit na ipinagbabawal sa Islam ang panunumpa maliban sa Allah ﷻ , sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ : “Tunay na kayo ay pinagbabawalan ni Allah na manumpa sa inyong mga ninuno, kung sinuman sa inyo ang manunumpa, sya ay sumumpa sa Allah, kundi mas mainam na sya ay manahimik”.

 

Ang (Yamin) o panunumpa ay iba-iba:

  • Mayroong panunumpa para sa isang nakaraan na insidente/balita, at kapag ito ay tugma sa katotohanan ito ang tinatawag na totoong panunumpa, kapag ito naman ay hindi totoo, sya ay matatawag na panunumpang lubog; dahil nalulubog ang tao sa kasalanan hanggat hindi ito hinihingi ng tawad, at kailangan ibalik ang mga karapatan.

 

  • Mayroon namang panunumpa para sa darating na insidente, at ito ay para maging obligado sa ating sarili o sa iba ang paggawa o pag-iwan ng isang bagay; katulad ng pagsabi ng: “Ako ay nanunumpa sa ngalan ni Allah, ako ay pupunta sa taong ito, o ako ay papasok sa bahay ng taong ito”. At ito ang tinatawag na panunumpa na nakasalalay sa ating pagtugon.

 

  • At may panunumpa na walang katibayan at paninindigan, dulot ito ng nakasanayan ng ating dila, mga panunumpa na kung saan hindi para sa mga tunay nitong kahulugan, katulad ng pagsabi ng: “La wallah/ Bala wallah”.

 

Kung sino ang manumpa, at sya ay mayroong mas mainam na nakikita kesa dito, kanyang gawin ang mas nakakahigit, at pagbayaran ang naunang panunumpa.

 

Ang ating babayaran lamang ay ating panunumpa sa mga bagay na dapat nating tugunan, hindi sa kung ano ang ating nasasabi dulot ng nakasanayan ng ating dila. Sinabi ni Allah ﷻ sa Qur’an: “Hindi kayo mananagot sa anumang hindi ninyo sinadya sa mga panunumpa, nguni’t kayo ay mananagot sa anumang sinadya ng inyong puso, ang kabayaran nito ay ang pagpapakain ng sampung mahihirap (ayon sa inyong karaniwang pagpapakain sa pamilya) o sila ay inyong damitan, o ang pagpapalaya ng isang alipin. Ngunit sinuman ang walang kakayahang gawin ito; sya ay mag-aayuno ng tatlong araw. Ito ang kabayaran ng inyong panunumpa…”.

 

Ating matututunan sa talata, kailangan nating pagbayaran ang hindi natin pagtugon sa panunumpa; unang-una tayo ay mamimili sa tatlo:

  • Pagpapakain sa sampung mahihirap.
  • O pagdadamit sa sampung mahihirap.
  • O pagpapalaya ng isang alipin.

At kapag hindi ito kayang gawin, ang kanyang kabayaran ay pag-aayuno ng tatlong araw (mainam na ito ay sunod-sunod).

 

At kapag ikaw ay nagsabi sa iyong panunumpa ng: “Wallahi ito ay aking gagawin, InshaAllah (sa kapahintulutan ni Allah)- ito ay hindi kinakailangan na pagbayaran, sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ : “Kung sinuman ang manumpa at kanyang sinabi “InshaAllah” (sa kapahintulutan ni Allah); ito ay hindi kailangan pagbayaran kapag hindi natugunan”.

 

والله تعالى أعلم…

MGA KAUGALIAN SA ARAW NG

آداب_يوم_الجمعة_باللغة_الفلبينية

MGA KAUGALIAN SA ARAW NG

Dapat nating tanungin ang ating sarili, nagagawa ba natin ang mga pinag-uutos na kaugalian sa Araw ng Jumuah?.

May mga tamang kaugailan na dapat isagawa ng isang Muslim sa Araw ng Jumuah, at ito ay:

  • Ang pagligo, pagpapabango, paglilinis ng bibig gamit ang ugat ng Siwak, at paglalagay ng langis para sa buhok.
  • Ang pagsusuot ng pinaka maganda at maayos na ating damit.
  • Takbeer o Pagsabi ng “Allahu Akbar” hanggang sa Salah ng Jumuah.
  • Ang pag-iwas na makagawa ng perwisyo sa mga tao na nagdadasal sa araw na ito.
  • Pagbabasa ng Surah Al-Kahf.
  • Ating paghihintay sa oras na kung saan ang ating mga panalangin ay dinidinig sa oras na ito.
  • Ang pagpaparami sa pag-alala sa Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم sa araw at gabi ng Jumuah.

والله تعالى أعلم…

MGA KAUGALIAN SA PAGKAIN AT PAG-INOM

آداب_الطعام_والشراب_باللغة_الفلبينية

Ating makikita na lahat ay kumakain at umiinom, subalit ilan lang ang nakakaalam ng tamang pag-uugali tuwing kumakain at umiinom.

Ang unang tamang pag-uugali sa pagkain at inumin ay dapat na ating masiguro na ang pagkain na ating kakainin ay Halal o hindi ito ipinagbabawal na kainin, katulad ng baboy at alak. At hindi ito nakuha sa maling pamamaraan, katulad ng pagkain na galing sa nakaw.

Sinabi ng Allah سبحانه وتعالى sa Qur’an:

“O sangkatauhan, kayo ay kumain mula sa pagkain na pinahihintulutan at mabuti para sa inyo na naririto sa lupa; at huwag sundan ang mga yapak ni Satanas, tunay na sya ay hayag na kalaban para sa inyo”.

 

Nabibilang rin sa tamang kaugalian ay ang hindi pagkain at pag-inom gamit ang mga ginto o pilak na lagayan. Sa hadith ng Propeta Muhammad ﷺ :

“Huwag uminom o kumain gamit ang lalagyan na gawa sa ginto at pilak, dahil ito ay para sa mga hindi mananampalataya dito sa mundong ito, at ang  para naman sa mga mananampalataya ay matatagpuan sa  kabilang buhay”.

 

Papasok dito ang lahat ng kagamitan sa pagkain at pag-inom, katulad ng: plato, kaldero, baso, kutsara, tinidor, at kutsilyo.

Ang tamang ugali kapag tayo ay magsisimula nang kumain ay ang mga sumusunod:

– ang pagsambit ng “Bismillah” (sa ngalan ng Allah),

– ang pagkain gamit ang kanang kamay,

– at ang kumain kung saan lang nakalagay sa malapit sa atin.

Sinabi ng Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم  sa isang bata:

“Sambitin ang pangalan ng Allah, kumain gamit ang iyong kanang kamay, at kumuha ng pagkain sa kung saan ang malapit sa iyo”.

 

Dahil ang pagkain sa gilid ng kainan ay mabiyaya, sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ :

“Ang biyaya ay bumababa sa gitna o sentro ng pagkain, kaya kayo ay magsinulang kumain mula sa gilid, at huwag sa gitna.

At mali na kumain habang nakahiga, huminga sa loob ng baso habang imiinom, at mali ang ihipan ang pagkain dahil ito ay mainit, at uminom habang nakaupo.

Habang ang tamang pag-uugali tuwing tayo ay mag-aabot ng tubig sa grupo ng tao: ay dapat magsimula sa kanan, at mahuhuling iinom ang taga-abot nito.

Ang pagkain ng may kasama o grupo ay mas mainam sa pagkain ng mag-isa, at parehas itong pinahihintulutan sa Islam.

 

Sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ : “Kayo ay magsama-sama sa inyong hapagkainan, at pagkatapos ay sambitin ang pangalan ng Allah, upang kayo ay pagpalain sa inyong pagkain; at puruhin/pasalamatan ang Allah

سبحانه وتعالى pagkatapos ninyong kumain”.

 

Dahil sa tuwing natatapos kumain ang Propeta Muhammad ﷺ  kanyang sinabi:

“Alhamdulillahi hamdan kathiran tayyiban mubarakan feeh, ghayra makfiyin, wa laa muwadda’in, wa laa mustaghnaa anhu rabbanaa”.

 

Magpursige na maisagawa ang mga tamang pag-uugali sa hapagkainan, dahil ito ay tanda ng pasasalamat sa Allah ﷻ , sinabi ng Allah ﷻ sa Qur’an:

“O kayong mananampalataya, kumain mula sa mga malilinis na pagkain na galling sa Aming biyaya, at kayo ay magpasalamat kung kayo ay tunay na sumasamba”.

 

والله تعالى أعلم…

MGA KAUGALIAN SA PAGLIGO

آداب الغسل باللغة الفلبينية

Ang ibig sabihin ng Ghusl o pagligo sa wikang tagalog ay pagbuhos ng malinis na tubig sa ating buong katawan, at ang pagsagawa nito ay may mga haligi at kondisyon.

 

Mayroong obligadong pagligo, katulad ng pagligo ng taong nasa Janabah o karumihan na hindi natatanggal ng wudhu o abulosyon, ganoon din ang pagligo ng babae na may buwanang dalaw.

 

Mayroong pagligo na hindi obligado, ngunit ito ay maaaring gawin, katulad ng ating pagligo sa araw ng Eid.

 

Ang Ghusl o pagligo ay mga tamang kaugalian, at ito ay:

 

Una: Ang pagiging pribado upang malayo sa paningin ng mga tao.

Ang Propeta Muhammad ﷺ ay minsan may nakitang lalaki na hindi itinatago ang kanyang sarili habang naliligo. Ang Propeta Muhammad ﷺ  ay pinuri ang Allah, at kanyang sinabi:

 

“Tunay na si Allah عزوجل ay ang Pinaka-Mahiyain at Pinaka-Mapagtakip, Kanyang minamahal ang pagkakaroon ng hiya at pagtatakip, kaya sinuman sa inyo ang nais maligo, dapat nyang takpan at itago ang sarili”.

 

Pangalawang tamang pag-uugali habang naliligo ay: Ang hindi pagmamalabis na paggamit ng tubig.

Dahil ang Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم  ay nagsabi:

 

“May mga tao sa nasyon na ito, na sila ay magmamalabis sa kalinisan at pananalangin”. At napagkasunduan ng mga iskolar na mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamalabis sa paggamit ng tubig kahit na ikaw ay nasa tabing dagat.

 

Pangatlong tamang pag-uugali sa pagligo ay: Pagsasagawa ng Abulosyon o Wudhu, at pagbuhos ng tubig sa lahat ng parte ng ating katawan, mula sa kasingit-singitan ng ating  katawan hanggang sa anit ng ating ulo.

 

Ayon sa inulat ni Aishah رضي الله عنها kanyang sinabi: “Sa tuwing maliligo ang Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم, kanyang inuuna ang paghuhugas ng kamay, pagkatapos ay magsasagawa ng abulosyon, sunod ay kanyang binabasa ng maigi ang kanyang ulo at buhok, kapag ang Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم ay nakasiguro na basa na ang kanyang buhok, sya ay magbubuhos ng tatlong beses sa kanyang ulo, at isususunod ang buong katawan”.

 

والله تعالى أعلم…

ANG PANAGINIP SA TURO NG ISLAM

الرؤى_و_المنامات_باللغة_الفلبينية

Kabilang sa mga palatandaan ni Allah ﷻ sa ating pagtulog ay ang ating mga panaginip, sinabi ng Allah ﷻ sa Qur’an: “Tunay na tanda ng kadakilaan ni Allah ﷻ ang inyong pagtulog sa gabi, at sa araw ay ang inyong paghahanapbuhay mula sa Kanyang biyaya…”

 

At nagsimula ang pagbaba ng rebelasyon sa Propeta Muhammad ﷺ sa pamamagitan ng panaginip, sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ: “Ang panaginip ng isang mananampalataya ay parte ng apatnapu’t anim ng propesiya”.

 

Ang Propeta Muhammad ﷺ ay nahuhumaling sa maayos na panaginip, at lubos itong iniintindi, ayon sa naiulat ni Thamrah siya ay nagsabi na minsan ang Propeta Muhammad ﷺ sa pagtapos ng kanyang pangunguna sa aming dasal, siya ay haharap sa amin at magtatanong: “Sino sa inyo ang nanaginip?”.

 

Ang panaginip sa turo ng Islam ay nasa tatlong klase:

Una: Ang panaginip na nagmumula sa Allah ﷻ.

Pangalawa: Ang panaginip na nakakalungkot at ito ay mula sa Satanas.

Pangatlo: Panaginip na tayo ang nagbubuo sa ating isipan.

 

Ang panaginip na nagmumula sa Allah ﷻ ay magandang balita, sa sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ : “Ang pinakamakatutuhanan mula sa inyo sa kanilang panaginip ay tunay na makatotothanan sa kanilang sinasabi”.

 

Kabilang sa turo ng Propeta Muhammad ﷺ na sa tuwing tayo ay makakakita ng nakakalugod sa ating panaginip, ating purihin ang Allah ﷻ dahil dito, at huwag ito ipagsasabi liban sa mga taong ating mapagkakatiwalaan.

 

At kung sinuman ang managinip ng mula sa Satanas, siya ay dumura ng hangin sa kanyang kaliwa ng tatlong beses, at magpakupkop mula sa Allah ﷻ laban sa lahat ng kasamaan, maari rin niyang ibahin ang pwesto niya sa kanyang paghiga o magtayo ng dasal. Hindi niya ito dapat ipagsabi sa kahit sinuman at hindi pa dapat ito bigyan ng kahulugan dahil ito ay hindi makakapahamak.

 

Dapat natin sanayin ang ating mga dila sa pananalangin at pag-alala sa Allah ﷻ tuwing pagsapit ng gabi, umaga, bago matulog  at sa ating pag-gising upang hindi magulo ang ating isipan sa mga nakakagambala na panaginip at isipin na mabuting panaginip at darating sa iyo, tayo ay palaging magtiwala sa kakayahan ng Allah ﷻ at tunay na Siya ay sapat na para sa atin.

 

 

  والله تعالى أعلم…

SAAN MATATAGPUAN ANG KAPANATAGAN NG KAISIPAN?

الراحة النفسية باللغة الفلبينية

Totoo na tayo ay nasa panahon ng pagpapadali at pagpapagaang, panahon ng mga makabagong teknolohiya, subalit ang mundo ay nalulubog sa sakit sa kaisipan at pag-uugali, dulot ng ating paglayo sa pag-alala sa Allah ﷻ  .Sinabi ni Allah ﷻ :  “At kung sinuman ang tumalikod sa pag-alala sa akin, siya ay makakaramdam ng mabigat at mahirap na pamumuhay”.

 

Walang kapanatagan at kasiyahan ang ating mga puso, kahit na tayo ay magpanggap o magkunwari na tayo ay nasa biyaya, dahil ang karangalan na ating  makukuha sa ating pagsunod sa panginoon ay nasa pagkakaroon ng mataimtim na puso at pag-iisip. Sinabi ni Allah ﷻ sa Qur’an: “At ang taong mananampalataya, gumagawa ng kabutihan, at naniniwala kung ano ang ibinaba  kay Muhammad,  ito ay katotohanan mula sa Allah, kanilang mga kasalanan ay papatawarin, at aayusin ang kanilang mga kalagayan”.

 

Nangangahulugan na sa kanilang pamumuhay dito sa lupa, at kanilang kalagayan sa kabilang buhay ay magiging maayos, madali, at marangal. Ating tandaan; ang susi ng lahat ng kabutihan ay nasa pagkakaroon ng maayos na kaisipan, at hindi tayo magkakaroon ng maayos na kaisipan kung wala tayong pananampalataya sa panginoon, sinabi ni Allah ﷻ sa Qur’an: “Tunay na ang mananampalataya na hindi hinahaluan ang kanyang paniniwala ng hindi makatarungan na bagay(pagtatambal), sila yaong mga nasa kaligtasan at nasa landas ng gabay”.

 

At ang gantimpala sa dalawang buhay (mundo at araw ng paghuhukom) ay makukuha lamang sa pagsunod at pagkatakot sa parusa, sinabi ng Allah ﷻ sa Qur’an: “Katotohanan ang mga taong matutuwid ay nasa lubos na kaligayahan, at ang mga makasalanan ay nasa apoy ng impiyerno”.

 

Tayo ay dadaan sa tatlong hantungan(buhay sa lupa, buhay sa libingan, at kabilang buhay), at isa rin na dahilan ng pagkakaroon natin ng mataimtim na pag-iisip ay ang ating tunay na pagsuko sa itinakda at itinadhana ng ating panginoon. Minsan ay tinanong si Alqamah tungkol sa isang talata: “Kung sinuman ang maniwala sa Allah, kanyang puso ay gagabayan”; sinabi ni Alqamah: “ibig sabihin nito ay kapag ang isang tao ay binigyan ng pagsubok, at kanyang nalalaman na ito ay nagmula sa itinakda at itinadhana ng Allah, dahilan na siya ay susuko at kanya itong tatanggapin.

 

Palaging tatandaan na ang kasiyahan ay nasa kaisipan na mataimtim at panatag, wala sa maraming pera. At ang kasiyahan ay nasa pag-alala sa Allah ﷻ at paglapit sa kanya, wala sa pagkalimot/paglayo sa Allah ﷻ, at pagiging lugmok sa makamundong buhay, sinabi ni Allah ﷻ sa Qur’an: “Yaong mananampalataya, at panatag ang kanilang puso sa pamamagitan ng pag-alala sa Allah. Walang alinlangan, matatagpuan sa pag-alala sa Allah ang kapanatagan ng mga puso”.

 

والله تعالى أعلم…

ANG PANINIWALA SA MGA ANGHEL

الإيمان_بالملائكة_باللغة_الفلبينية

Ang mga Anghel ay nabibilang sa mga nilikha ng Allah ﷻ , at sila ay nilikha mula sa liwanag, mga Anghel ay nilikha ng Allah ﷻ sa dahilan na sumunod at magsamba lamang kay Allah. Sinabi ng Allah ﷻ sa Qur’an: “Hindi sumusuway ang mga Anghel sa mga kautusan ng Allah, at mga bilin ay kanilang sinusunod”.

 

Hindi natin makakaya na bilangin ang mga Anghel, at Allah ﷻ ang lubos na nakakaalam ng kanilang bilang. Ang paniniwala sa mga Anghel ay bahagi ng haligi ng pananampalataya ng isang Muslim, at hindi mabubuo ang pananampalataya ng isang Muslim kung ang mga Anghel ay hindi nya paniniwalaan.

 

Ating mabubuod ang paniniwala sa mga Anghel sa apat na bagay:

Una: Dapat nating paniwalaan na mayroong mga Anghel, at sila ay nabibilang sa mga nilikha ng Allah.

Pangalawa: Paniniwalaan ang kanilang mga pangalan na nabanggit, katulad ng; Jibril, Israfil, Mikail at iba pa.

Pangatlo: Paniniwalaan ang kanilang mga katangian na nabanggit, katulad ng naiulat sa katangian ng Anghel na si Jibril na sya ay mayroong anim na daan na pakpak.

Pang-apat: Ating paniniwalaan na sila ay may kanya-kanyang tungkulin, ang tungkulin ni Jibril عليه السلام ay pagbaba ng mga rebelasyon sa mga propeta, si Malak Al-Mawt ay  anghel na naatasan sa ating pagpanaw, si Israfil ay anghel at kanyang tungkulin ay ang pag-ihip ng trompeta sa Araw ng Paghuhukom, habang si Mikail ay naatasan para sa ulan.

 

May mga Anghel din na para sa pagbabantay sa mga tao, sinabi ng Allah ﷻ : “May mga Anghel na nagpapalit-palitan sa harapan at likuran ng bawa’t tao, sila ay nagbabantay sa pamamagitan ng kautusan ng Allah”.

 

Sa trono ng Allah ﷻ ay may mga Anghel rin na nagbubuhat, at may mga Anghel na nasa Bayt Al-Ma’mur, ang Propeta Muhammad ﷺ ay nagsabi: “Ako ay inangat sa Bayt Al-Ma’mur, at sinabi ni Jibril عليه السلام: “Ito ang Bayt Al-Ma’mur, dito ay may pitong libo na Anghel na nagdadasal araw-araw at kapag sila ay lumabas mula dito, hindi na sila babalik”.

 

May mga Anghel na para sa pagsusulat ng ating mga gawain dito sa lupa, kanilang sinusulat ang ating gawain, ito man ay mabuti o masama.

 

Dito ay ating malalaman, gaano kahalaga ang ating paniniwala sa mga Anghel; dahil ang pagtaliwas sa paniniwala sa mga Anghel ay pagtaliwas sa Allah ﷻ, sinabi ng Allah ﷻ sa Qur’an: “Sabihin mo O Muhammad! Sinuman ang kaaway ng Allah, at ng Kanyang Anghel, Propeta, at kaaway ni Jibril at Mikail, tunay na si Allah ay kaaway ng mga di-naniniwala”.

 

  والله تعالى أعلم…

ANG PANINIWALA SA MGA REBELASYON

الإيمان_بالكتب_باللغة_الفلبينية

Hindi mawawala sa ating isipan ang mga katanungan katulad ng:

-Papaano natin makikilala ng lubos ang ating tagapaglikha?

-Papaano natin masasamba ng tama ang ating panginoon?

-Ano ang layunin na kinalulugdan ng diyos na dapat nating sundin?

 

Lahat ng mga katanungan na ito ay masasagot sa pamamagitan ng mga rebelasyon na pinadala mula sa langit, mga libro na pumapaloob dito ang salita ng Allah ﷻ  , at binigay sa mga propeta bilang rebelasyon.

 

Ang paniniwala sa mga ibinabang rebelasyon, ay parte ng anim na haligi ng pananampalataya ng mga Muslim, si Allah ﷻ ay nagsabi: “O kayong mga mananampalataya! Kayo ay manampalataya sa Allah, at sa Kanyang Sugo, at sa libro na ibinaba sa Kanyang Propeta, at sa libro na naunang ibinaba…”.

 

Kaya tayo ay dapat maniwala na lahat ng libro na ibinaba ay tunay at totoo, na ang mga librong ito ay salita ng Allah ﷻ , bilang gabay at liwanag kaninuman ito ibinaba.

 

Ating paniniwalaan ng detalye ang mga nabanggit sa Qur’an na kasulatan; katulad ng Torah, Injeel, Zaboor, at Suhuf ni Ibrahim at Musa.

 

Ang huling rebelasyon na ibinaba ng Allah ﷻ ay ang Qur’an, ito ay saklaw at tunay na basehan lahat ng mga naunang rebelasyon, sinabi ng Allah ﷻ sa Qur’an: “Tunay na  ibinababa namin sa iyo o Muhammad ang aklat (Qur’an), bilang patunay sa mga sinundan nitong kasulatan, at bilang mag silbing pamantayan nito…”.

 

Kaya’t hindi maaari na sumunod, paniwalaan o isagawa ang anumang katuruan na nasa mga naunang kasulatan, maliban na ito ay binanggit at sinang-ayunan ng Qur’an, dahil ang mga naunang kasulatan ay nabago dahil sa kagagawan ng mga tao.

 

Ang Qur’an ay pangangalagaan ng Allah , at ito ay hindi mababago hanggang sa Araw ng Paghuhukom, ang Allah ﷻ ay nagsabi sa Qur’an: “Kami ay nagbaba ng Aklat (Qur’an) , at ito ay Aming pangangalagaan”.

 

Dito natin malalaman na ang mga kasulatan na ito ay tanda ng pagmamahal at awa ng Allah ﷻ sa Kanyang mga nilikha, at dapat tayong magpasalamat dahil dito.

 

Ang Qur’an ay dapat nating pangalagaan sa pamamagitan ng ating pagbabasa, pag-unawa at pagsagawa ng aklat na ito, dahil tunay na ang Qur’an ay liwanag na magdadala sa atin patungo sa tamang landas, ang Qur’an ay paalala at gamot sa anumang sakit ng ating puso, sinabi ng Allah ﷻ: “Libro na Aming pinababa, ito ay lubos ng biyaya, upang ang mga talata nito ay inyong maunawaan ng lubos, bilang maging paalala sa mga taong may tamang pang-unawa”.