ANG MGA SUSI NG LIHIM

مفاتيح الغيب باللغة الفلبينية

Ang mga susi ng lihim o tinatawag na “Mafatihul Ghaib” sa wikang arabik; ay lahat ng kaalaman na si Allah ﷻ lamang ang nakababatid, kaya’t walang nakakaalam ng mga bagay na ito, maging sa nakaraan, kasalukuyan, at kung ano ang darating.

 

At maaaring pahintulutan ni Allah ﷻ na ito’y malaman ng ilan sa mga alipin na Kanyang pipiliin, katulad kung papaano ibinigay ni Allah ﷻ ang kaalaman tungkol sa kwento ng mga naunang Sugo kay Propeta Muhammad ﷺ. At ganoon din ang mga palatandaan sa pagdating ng Huling Araw, kung saan ito’y mangyayari sa darating na panahon, at iba pa na malalaking pangyayari.

 

Sinabi ni Allah ﷻ sa Qur’an: “Siya ang nakakaaalam ng Ghaib (mga di-nakikitang bahagi) at hindi Niya ipapahayag ang kaalaman na ito kaninuman. Maliban sa Kanyang pinili mula sa mga sugo, at katotohanan, Siya ay nagpapadala ng mga Anghel sa harap at likuran ng mga Sugo, upang mangalaga sa kanila at sa mensahe na ito. Upang mapag-alaman ni Propeta Muhammad ﷺ na ang mga naunang Sugo ay kanilang ipinarating ang mensahe ng kanilang Panginoon. At Kanyang nasasaklawan ang alin mang nasa kanila, at mananatiling nasa wastong bilang ang bawa’t bagay”.

 

Ang mga susi ng lihim o hindi nakikita ay lima, ito ay nakatago sa kaalaman ng mga nilikha. Kaya’t walang nakakaalam kailan darating ang Huling Araw, at kung kailan, saang lugar, at gaano kalakas bababa ang ulan. At walang nakababatid ng detalyeng kaalaman sa kung ano ang nasa sinapupunan ng mga ina maliban sa Allah ﷻ, walang nakakaalam kung ano ang magiging kasarian ng mga batang ito, maging ang kanilang biyaya, kailan sila papanaw, ano ang kanilang gawain, at sila ba ay mabibilang sa mga matagumpay o mabibilang sa mga talunan. At walang nakakaalam sa mga kabutihan at kasamaan na gagawin ng mga tao, at papaano hinati-hati ang mga biyaya sa sanlibutan maliban sa Allah ﷻ. Walang nakakaalam kung saang lupalop aabutan ng pagtatapos ang mga kaluluwa maliban sa Allah.

 

At kung ano ang mga sinasabi ng mga manggagamot at mga eksperto sa mga inaasahang malakas na pag-ihip ng hangin, pagbuhos ng ulan, eklipse ng araw at buwan, lahat ito’y walang kasiguraduhan at maaaring mangyari o hindi, maaaring tama o mali.

 

Bagamat ang kaalaman ng Allah ﷻ ay sigurado at tumpak, ang Kanyang kaalaman ay tutugma sa reyalidad, sinabi ni Allah ﷻ sa Qur’an: “Tunay na tanging si Allah ang may kaalaman sa takdang Oras, at Siya ang nagpapababa ng ulan, at Siya ang nakababatid ng anumang nasa sinapupunan ng mga ina. Walang sinuman ang nakakaalam anuman ang kanyang kinahihinatnan sa kinabukasan, at walang sinuman ang nakakaalam kung saang lupain siya mamamatay. Katotohanan si Allah ang Maalam, Lubos na Nakababatid”.

 

 

والله تعالى أعلم…

ﷺ MAIKSING TALAMBUHAY NG PROPETA MUHAMMAD

مختصر_سيرة_النبي_اللغة_الفلبينية

Kapaki-pakinabang na Buod sa Talambuhay at Katangian ng Hinirang na Propeta -sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan-: Isang libro sa wikang Filipino, na isinulat ni Dr. Haytham Sarhan. Naglalaman ito ng mga pinagaang salita, na kailangang-kailangan sa sinumang may kaunting kagustuhan na malaman ang kanyang Propeta -sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan-, kanyang talambuhay, patnubay, at mga pinakamahalagang katangiang pisikal at pag-uugali o etika, kasama na ang pagkilala sa mga malalapit nitong kamag-anak at kanyang mga asawa.
Ginawa niya ito sa isang magandang pagbabalangkas, sa anyo ng mga talahanayan at pagkakabahagi, kung saan binanggit niya ang pangkalahatang mga layunin kasama ang pangkalahatang kahulugan, at ginawa niya pagkatapos ng bawat bahagi; ay mga katanungan at pagsusulit, lahat ay walang pagpapaikling pasubali o pagpapahabang nakakatamad.

 

Muhammad bin Abdullah bin Abdul-Muttalib bin Hashim, si Hashim ay nagmula sa Quraish, ang Quraish ay nagmula sa mga Arabo, at ang mga Arabo ay mula sa angkan ni Ismaill bin Ibrahim (alayhissalam).

LA ILAHA ILLA ALLAH “La Ilaha Illa Allah”

“La Ilaha Illa Allah” ay ang pinakadakilang salita, at dahil sa salita na ito ay nilikha ng Allah ﷻ ang sanlibutan, nagpadala ng mga Propeta, at nagbaba ng mga Libro.

 

Ang salitang ito ay salita ng tunay na pagkatakot sa Panginoon, at ito ang salita upang makapasok sa relihiyong Islam, at haligi ng pananampalataya. Ito ang salita na nararapat na ating panghawakan hanggang sa tayo’y abutan ng kamatayan upang ating makamit ang kaligtasan at walang hanggang tagumpay.

 

At ang salitang ito ay maraming gantimpala at kaigihan na hindi mabubuod ng ating kaalaman, ayon kay Jabir bin Abdullah رضي الله عنهما kanyang narinig ang Propeta Muhammad ﷺ na nagsabi: “Ang pinakamainam na pag-alala sa Allah ay La Ilaha Illa Allah (walang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah)”.

 

Ang tunay na maitatalaga na tagumpay sa buhay kalupaan ay kung sino ang nanindigan at nagparami sa pagsabi ng salitang ito, kahit saan man ang kanyang kinarorooan, at kanyang sinasanay ang kanyang dila sa pagsambit nito at parating pag-alala ng mga kahulugan na pumapaloob rito.

 

Ito’y panalangin na maaari nating sambitin kahit kailan, at nabanggit rin sa ilang partikular na sitwasyon, dahil sa ganitong pamamaraan ay magiging abala ang isang Muslim sa pagsambit nito, siya man ay patungo sa malayo at malapit, siya man ay mayroong ginagawa o wala, at sa tuwing siya ay matutulog at pagkagising…

 

Ganoon rin sa tuwing siya ay tatayo’t uupo, magdarasal, mag-aayuno, at sa kanyang pilgrimahe, at isa sa mga posisyon na kung saan hinihikayat ang pagsambit nito ay sa tuwing pagkatapos ng abulosyon, at pagkatapos magising sa gabi, at paggising  sa umaga, pagkatapos ng Tasleem sa Salah, lalo na sa tuwing kagipitan at pagsubok.

 

At sa Araw ng Arafah ang Propeta Muhammad ﷺ ay nagsabi: “Ang pinakamainam na panalangin na aking sinambit at sinambit din ng mga naunang Propeta sa akin ay: Laa ilaha illallah wahdahu la shakira lahu, lahul mulku wa lahu hamdu wa huwa ala kulli shay’in Qadeer (Walang ibang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah, Siya ay walang katambal, sa Kanya ang kaharian, at sa Kanya ang papuri at pasasalamat, Siya ay Maykapangyarihan sa lahat).

 

والله تعالى أعلم…

MGA PALATANDAAN SA PAGDATING NG ARAW NG PAGHUHUKOM

علامات_القيامة_الصغرى_والكبرى_باللغة_الفلبينية

Mayroong mga palatandaan na ipapadala ng Allah ﷻ  , at ito ay bago dumating ang Araw ng Paghuhukom, tanda na ang araw na ito ay malapit na. At hinati ito ng mga iskolar sa dalawa: malaking palatandaan at maliit.

 

Ang “Alamaat Sughra” o maliliit na palatandaan ay mangyayare sa mahabang panahon bago pa dumating ang Araw ng Paghuhukom, kung saan ang ilan ay maaring nangyare at natapos na, at ang ilan ay mangyayare ulit. At tunay na ito ay mangyayare, katulad ng mga nasabi ng Propeta Muhammad ﷺ.

 

Habang ang “Alamaat Kubrah” o malalaking tanda; ito ay mga palatandaan na kung saan ay malalaking pangyayare sa maiksing panahon, mangyayare kapag malapit na ang Araw ng Paghuhukom.

 

Ang maliliit na tanda sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom ay marami, katulad ng:

-Ang pagsugo sa Propeta Muhammad ﷺ, at ang kanyang pagpanaw.

-Pagsakop at pagtatagumpay ng mga Muslim sa Baytul Maqdis o Jerusalem.

-Ang sakit na lalaganap sa Imwaas sa Palestina.

-Kahirapan at pagkalimot ng mga tao sa kawanggawa.

-Paglitaw ng pagsubok at kasamaan, katulad ng: pagpatay kay Uthman bin Affan رضي الله عنه  , ang gyera ng Jamal, ang gyera ng Siffin, at gyera ng Hurrah, kabilang rin ang paglitaw ng mga Khawarij, at kasamaan ng pagsabi na ang Qur’an ay nilikha at hindi salita ng Allah ﷻ.

-Ganoon din ang paglitaw ng mga mag-aangkin na sila ay propeta, katulad nila: Musaylimah Al-Kadhab, at Al-Aswad Al-Unsi.

-Pagkawala ng tiwala sa katuruan ng mga tunay na maalam.

-Ang pagdami ng mangmang, at paghina ng kaalaman; sa pamamagitan ng pagpanaw ng mga iskolar.

-Nabibilang rin sa ating nabanggit ang pagkalat ng alak, maling pagpapatubo, pangangalunya, musika, at pagpapaunahan sa pagpapataas ng mga gusali.

-Ang pagrami ng mga bastos na anak sa kanilang mga magulang, katulad ng nasabi ng Propeta Muhammad ﷺ na pakikitunguhan ng bata ang kanyang magulang kung papaano sya makitungo sa kanyang alipin.

-Ang pagrami ng pagpatay, lindol, eklipse, pag-iba sa anyo ng tao (papunta sa anyo ng hayop), at maling pag-aakusa sa mga babae.

-Ganoon din ang pagrami ng pagpapakita ng mga kababaihan sa kanilang katawan.

-Magaganap kadalasan ang panaginip ng mga mananampalataya.

-Ang madalas na maling testimonya, at pagtago ng katotohanan.

-Ang pagrami sa bilang ng babae.

-At magiging harden at lawa ang disyerto sa lugar ng mga arabo.

-Makikita ang gabundok na ginto sa ilog ng Furaat.

-Magsasalita ang mga hayop at bagay.

-Pagrami ng mga tao sa Roma, at kanilang paglaban sa mga Muslim, at ganoon din ang pagsakop ng mga Muslim sa Qustantiniyah.

 

At ang malalaking tanda sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom ay kung ano ang nabanggit ng Propeta Muhammad ﷺ sa hadith na naiulat ni Hudhayfah bin Aseed, at ito ay sampu:

1-Ang Usok.

2-Ang pagdating ni Dajjal(Anti Kristo).

3-Ang paglabas ng malaking hayop.

4-Pagsikat ng araw mula sa kanluran.

5-Pagbaba ni Eisa عليه السلام  mula sa langit.

6-Paglabas ng Gog at Magog.

-Ang tatlong iklipse:

7-Iklipse sa silangan.

8-Iklipse sa kanluran.

9-Iklipse sa Arabia.

10-Ang apoy na magtutulak sa mga tao kung saan sila ay iipunin.

 

Ang mga palatandaan na ito ay sunod-sunod lilitaw, at walang matibay na batayan na naglilinaw sa tamang pagkasunod-sunod ng mga ito.

 

والله تعالى أعلم…

SALATUL EID

صلاة العيد باللغة الفلبينية

Kabilang sa layunin ng kautusan sa Islam ay pagkakaisa ng puso’t damdamin at kapatiran ng mga Muslim. At ipinag-uutos sa Islam ang pagtitipon sa karamihan ng pagsamba, isa dito ay ang Salatul Eid, ang Propeta Muhammad ﷺ ay ipinag-uutos sa lahat ng tao na sila’y lumabas at magtipon para sa pagdarasal na ito, kahit pa man ang mga kababaihan na mayroong buwanang dalaw, “upang kanilang matunghayan ang kabutihan at pag-anyaya sa mga Muslim”.

 

At maaaring maligo, magpaganda, at mag-ayos para sa pagdiriwang na ito, at pinapahintulutan sa araw ng Eidul-Fitr na kumain ng datiles bago magtungo sa lugar dasalan, kung papaano na ang Propeta Muhammad ﷺ ay hindi pumupunta sa lugar dasalan hangga’t siya ay hindi kumakain ng datiles.

 

Magsisimula ang oras ng Salatul-Eid paglagpas ng sampung minuto pagkatapos ng pagsikat ng araw, hanggang sa paglihis ng araw pagkatapos nitong gumitna sa langit. Pinapahintulutan na magsagawa ng pagdarasal sa bukas na kapatagan, at maaari din na  isagawa sa mga Masjid o bahay dasalan kung walang kakayahang isagawa ito sa bukas na kapatagan, at hindi na kinakailangan ang Adhan at Iqaamah o panawagan para sa Salah.

 

Ang Propeta Muhammad ﷺ ay lumalabas patungo sa kapatagan tuwing Fitr at Adhhaa, at kanyang uunahin na isagawa ang Salatul-Eid; at ito’y dalawang Rak’ah; siya ay magsasagawa ng anim na takbeer pagkatapos ng Takbeeratul-Ihram sa unang tayo o Rak’ah, at siya ay magbabasa ng pambungad na panalangin at magbabasa ng talata mula sa Quran.

 

At sa pangalawang tayo (magsasabi ng “Allahu- Akbar habang lumilipat ng posisyon patayo), magsasagawa ng limang Takbeer, itataas ang dalawang kamay sa tuwing Takbeer (Allahu-Akbar), maaari niyang sabihin ang Allahu-Akbar, Subhanallah, Alhamdulillah sa pagitan ng bawa’t Takbeer.

 

Kabilang sa Sunnah na kanyang basahin ang dalawang Surah, Suratul-A’la at Al-Ghashiyah, o Surah Qaaf o Al-Qamar. At magbibigay ng sermon para sa mga tao pagkatapos ng dasal, katulad ng sermon tuwing biyernes, at maaaring dumalo ang mga tao at makinig sa sermon na ito.

 

Kabilang rin sa Sunnah ang pagpunta nang maaga sa lugar dasalan ng naglalakad, at siya ay babalik sa ibang daan maliban sa kanyang pinanggalingan. Kapag ang tao ay kanyang nakaligtaan ang Salatul-Eid ay kanya itong isagawa katulad ng pamamaraan na ating nabanggit.

 

Hindi makukumpleto ang araw ng Eid, maliban sa ating pagsunod sa Allah ﷻ, at pagtugon sa kung ano ang Kanyang ipinag-uutos, “Kung sino ang sumunod sa Allah, at sa Kanyang sugo, katotohanan sila’y magkakamit ng dakilang tagumpay”.

 

 

والله تعالى أعلم…

photo_2025-04-17_08-52-23

ANG BUWAN NG ALLAH “AL-MUHARRAM

Ang buwan ng Muharram ay buwan ng Allah, ito ang unang buwan sa taon ng Hijri.

 

Ang buwan ng Muharram ay kasama sa sagradong buwan na nabanggit sa sinabi ng Allah سبحانه و تعالى:

“Ang bilang ng buwan sa Allah ay labindalawang buwan, ito ay nasa aklat ng Allah, mula sa araw ng pagkalikha ng mga langit at lupa, at dito ay nabibilang ang apat na sagradong buwan…”.

 

Ang mga sagradong buwan na nabanggit ay apat, at ito ay: Dhul-Qa’dah, Dhul-Hijjah, Al-Muharram, Rajab.

 

Katulad ng nilinaw ng Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم, nasabi na ito ay buwan ng Allah سبحانه وتعالى tanda na ang Muharram ay dakila at sagrado.

 

Ayon sa naiulat ni Abu Hurairahرضي الله عنه sinabi  ng Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم :

“Ang pinakamainam na pag-aayuno pagkatapos ng pag-aayuno sa Ramadhan ay ang pag-aayuno sa buwan ng Allah na Muharram; at ang pinakamainam na Salah pagkatapos ng limang obligado ay ang Salah sa gabi”.

 

Ang paggawa ng hindi makatarungan sa mga sagradong buwan na ito ay mahigpit na ipinagbabawal. Sinabi ng Allah سبحانه وتعالى:

“Huwag ninyong gawan ng hindi makatarungan ang inyong mga sarili sa loob ng mga sagradong buwan na ito”.

 

Walang duda na ang paggawa ng hindi makatarungan ay ipinagbabawal sa lahat ng oras, ngunit ang kasalanan na ito ay mas higit sa mga sagradong buwan na ito.

 

Ito ay naiulat ni Ibn Abbas رضي الله عنهما sa nabanggit na talata:

“Huwag kayong gumawa ng hindi makatarungan sa lahat ng buwan”.

 

At ihinuli ang apat na sagradong buwan bilang pagbibigay ng mas higit na babala; sapagkat ang pagsasagawa ng hindi makatarungang bagay sa mga buwan na ito ay mas malaking kasalanan; kasabay ay ang pagpapaliwanag naman sa pagsagawa ng kabutihan kung saan ay makakamit dito ang mas malaking gantimpala”.

 

Maituturing na mainam na kusang-loob na pagsamba ang pag-aayuno sa buwan ng Allah na Muharram; at ito ang susunod pagkatapos ng pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan. Sa Hadith ng Propeta Muhammad صلى الله عليه و سلم ay kanyang sinabi:

“Ano ang susunod na mainam na dasal pagkatapos ng limang obligado? At ano ang susunod na mainam na pag-aayuno pagkatapos ng buwan ng Ramadhan?

 

Ang susunod na mainam na dasal pagkatapos ng limang obligado ay dasal sa gabi; at ang susunod na mainam na pag-aayuno pagkatapos ng Ramadhan ay ang pag-aayuno sa buwan ng Allah na Muharram”.

 

والله تعالى أعلم…

photo_2025-04-17_08-46-28

ANG BUWAN NG SHAWWAL

Ang buwan ng “Shawwal” ay malaking pintuan para sa patuloy na kabutihan pagkatapos ng Ramadhan. “Sinuman ang mag-ayuno sa Ramadhan at kanya itong sinundan ng anim na araw na pag-aayuno sa Shawwal ay katumbas ng isang taon na pag-aayuno”.

 

Nilinaw ng Propeta Muhammad ﷺ ang pag-aayuno sa Ramadhan, ito’y iisang buwan ngunit katumbas ang sampung buwan sa gantimpala, at anim na araw upang pagkumpleto sa isang taon. At ito’y upang makabawi sa ating pagkukulang sa obligadong pag-aayuno, at sa Araw ng Paghuhukom ang ating boluntaryong pag-aayuno ang kukumpleto sa anumang kakulangan sa ating obligadong pag-aayuno.

 

Maaaring simulan ang pag-aayuno sa pangalawang araw ng Shawwal; dahil ang unang araw ay araw ng Eid, kung saan ipinagbabawal ang pag-aayuno. At pinahihintulutan ang pag-aayuno sa anumang araw sa loob ng buwan na ito, at ang pinakamainam na kabutihan ay kung ano ang maaga.

 

At hindi kinakailangan na magkakasunod ang anim na araw na ito, maaaring magkakahiwalay. At kung sinuman ang mayroong kulang mula sa obligadong pag-aayuno, ito’y kailangan niyang unahin bago ang anim na araw sa Shawwal, upang kanyang makamit ang ating nabanggit na , “nag-ayuno ng Ramadhan at kanyang sinundan ito ng anim na araw sa Shawwal”.

Hindi tama na pagsasabayin sa intensyon ang pagbabayad ng utang o kakulangan sa pag-aayuno sa Ramadhan at ayuno na Shawwal, habang pinapahintulutan na pagsabayin ang ayuno sa Shawwal kasama ang “Ayyamul-Bidh” o White days.

 

Tayo’y mayroong makukuhang biyaya sa pagpapakasal sa buwan ng Shawwal, sinabi ni Aishah رضي الله عنها: “Ako’y pinakasalan ng Propeta Muhammad ﷺ sa buwan ng Shawwal, at bumuo sa akin sa Shawwal, sino ang mas nakakahigit sa akin sa ganitong gatimpala sa mga asawa ng Propeta Muhammad ﷺ ?”.

 

Tayo’y maging masigasig sa pagsamba lalo na sa buwan ng Ramadhan at Shawwal, at sa lahat ng oras, sinabi ni Al-Hasan Al-Basri رحمه الله : “Hindi nilagyan ni Allah ﷻ ng limitasyon ang kabutihan ng mga mananampalataya maliban sa kamatayan”.

 

 

والله تعالى أعلم…

SUJUD AL-SAHU ـ    Al-Sahu sa wikang arabik ay nangangahulugang pagkalimot.

سجود السهو باللغة الفلبينية

Al-Sahu sa wikang arabik ay nangangahulugang pagkalimot.

At kahit sa ating pagdarasal ay hindi maiiwasan na tayo ay makalimot o malito sa ilang parte ng dasal, kaya’t tayo ay may tinatawag na “Sujud Al-Sahu”, at ito ay dalawang sujud o pagpapatirapa sa huli ng ating dasal, upang maging kapalit sa anuman ang ating nakalimutan o nakaligtaan mula sa mga obligadong parte ng Salah.

 

At ito ay maari nating gawin sa lahat ng salah(dasal), ito man ay obligadong salah o kusang loob.

 

Tatlo ang dahilan ng “Sujud Al-Sahu”, at ito ay dahil tayo’y may nagawa na: dagdag, kulang at pagdududa sa salah.

 

Kapag tayo ay nakalimot at nakadagdag sa salah, katulad ng: sobrang pagyuko, pagpapatira, o pag-upo; kinakailangan na tayo ay magsagawa ng sujud al-sahu pagkatapos ng tasleem.

 

At kung tayo naman ay nakalimot at nagkulang sa mga haligi sa salah, katulad ng: pagyuko at pagpapatirapa; kinakailangan na ito ay ating gawin upang pagkumpleto sa salah, at magsasagawa ng sujud al-sahu pagkatapos ng tasleem.

 

At kapag ang ating kulang naman ay obligado sa salah, katulad ng: pag-upo para unang Tashahhud, ito ay hindi na kinakailangan balikan, at magsasagawa lamang ng sujud al-sahu bago magtasleem.

 

At sa pagkakataon na tayo ay may duda sa ating salah, hindi sigurado kung tayo ba ay nasa pang tatlo o apat na bilang, dito ay ating kukunin ang mas kaunti dahil yun ang sigurado. Kanyang panghahawakan ang tatlo at hindi ang apat, at magsasagawa  ng sujud al-sahu bago magtasleem.

 

Buod ng ating nabanggit:

Sujud Al-Sahu bago magtasleem. Sujud Al-Sahu pagtapos ng tasleem.
Kapag nakaligtaan ang Wajid (Obligado) sa Salah. Kapag nakalimot ng Rukn (Haligi) sa Salah (ito man ay dagdag o kulang).
Kapag nagkaroon ng duda sa bilang.  

 

At kapag Sujud Al-Sahu ang mismong nakalimutan isagawa pagkatapos ng tasleem, ito ay dapat balikan, maliban nalang kung sobrang tagal bago ito naalala(hindi na kaya habulin) at nasira na ang wudhu, hindi na ito dapat balikan.

 

Kung ang Imam (nangunguna sa salah) ang nakalimot, ang mga Ma’mum (mga nasa likod ng Imam) ay susunod sa Sujud Al-Sahu, sila man ay nakalimot rin o hindi. At kapag ang Ma’mum ang nakalimot at hindi ang Imam, hindi na kailangan ng Sujud Al-Sahu ng Ma’mum.

 

Sa pagkakataon na nakalimot ng maraming beses, sapat na ang isang Sujud Al-Sahu. Naiulat ni Abu Hurairah رضي الله عنه , na ang Propeta Muhammad ﷺ ay nagsabi: “Darating ang Satanas sa inyong salah para guluhin, kung saan kayo ay magdududa kung ilan na ang inyong nadasal, at kapag ito ay nangyari, kayo ay magsagawa ng dalawang pagpapatirapa (Sujud Al-Sahu)”.

 

والله تعالى أعلم…

photo_2025-04-17_09-18-05 ى

Mga Palatandaan ng Totoong Propeta ANG SALITA NG ALLAH (ANG BANAL NA QURAN)

دلائل_النبوة_القرآن_الكريم_باللغة_الفلبينية

Sinabi ni Yahya bin Aktam: Si Ma’mun nung siya ay namumuno sa panahon nya, habang siya ay nasa pagtitipon para sa pagdebate, may Hudyo na pumasok kasabay ng maraming tao, siya ay nakadamit nang maayos, maaliwalas ang mukha, at siya ay mabango , at siya ay nagsalita sa maayos na tono.

-At pagkatapos nila sa pagtitipon, tinawag siya ni Ma’mun at tinanong: Ikaw ba ay mula sa Israel (Ikaw ba ay Hudyo) ?.

At siya ay sumagot: Oo.

-Ikaw ay pumasok sa Islam at gagawan kita ng bagay na mabuti (pinangakuan sya ni Ma’mun ng kabutihan).

-Sumagot ang Hudyo: Ito ang aking relihiyon at relihiyon ng aking mga ninuno (at ito ay umalis).

Isang taon ang lumipas at bumalik ang Hudyo at siya ay  isang Muslim na.

-At ito ay nagsalita sa maayos na pamamaraan tungkol sa Fiqh,Hadith, at pagkatapos ng kanilang pagtitipon tinawag siya ni Ma’mun at sinabi: Hindi ba ikaw ang kinausap ko dati?

-At siya ay sumagot: Oo.

-Ang sabi ni Ma’mun: Ano ang iyong dahilan bakit ka nag Muslim?

-Ang Hudyo ay sumagot: Pakinggan mo ako habang dinadakila ang  Allah, ako ay umalis nung araw na iyon at naisipan na subukan ang mga relihiyon, at maganda ang aking pagsusulat.

Sumulat ako ng tatlong kopya ng Tawrah (Libro ng mga Hudyo) at ito ay aking binawasan at dinagdagan, pagkatapos ito ay pinasok ko sa kanilang simbahan, ito ay tinanggap nila at di tiningnan kung ito ay may mali.

At ako ay sumulat ng tatlong kopya mula sa Injeel (Libro ng mga Kristiano) at ito rin ay aking binawasan at dinagdagan, at pinasok sa kanilang simbahan at di rin nila ito tiningnan kung ito ay may mali.

At ito rin ay ginawa ko sa Quran (Libro ng mga Muslim) ako ay sumulat ng tatlong kopya, ito’y aking dinagdagan at binawasan at ito ay binigay ko sa kanila at sila ay nagsabi na hindi namin ito tatanggapin haggat di namin nababasa at nasusuri ng maayos, at nakita nila lahat ng mga mali.

Nakita nila ang mga dagdag at bawas kaya’t ito ay kanilang sinunog at muntikan ako patayin, dito ko nalaman na itong aklat na ito (Ang Quran) ay pinangalagaan ng Panginoon at ito ang dahilan bakit ako pumasok sa relihiyong Islam.

TAWHEED AL-ULUHIYAH (KAISAHAN NI ALLAH SA PAGSAMBA)

توحيد_الألوهية_باللغة_الفلبينية

Pagkatapos maniwala ng isang tao sa Al-Rububiyah, kinakailangan ang pananamapalataya na si Allah ﷻ  ang Nag-iisa sa ating lantaran at patago na pagsamba, at hindi natin sasambahin ang kahit sino maliban sa natatanging tagapaglikha, nagbibigay ng biyaya, at tanging nangangasiwa sa Kanyang kaharian.

 

Ating mapapagtanto na hindi sapat na maniwala ang isang tao na mayroong nag-iisang tagapaglikha, nagbibigay ng biyaya, at hindi matatawag na isang Muslim. At kinakailangan na ating maging layunin na si Allah ﷻ  ang kararapat na Nag-iisa sa ating pagsamba.

 

Sa ganitong dahilan hindi naging mananampalataya ang mga Mushrikun o mga tumaliwas at nagtambal sa Allah ﷻ , at kung ating titingnan ang mga talata sa Qur’an na nagsasaad ng pagiging panginoon ni Allah, ito’y palaging sinusundan ng pag-anyaya sa Kanyang karapatan sa pagsamba.

 

Ang Tawheed Al-Uluhiyah ay pondasyon ng relihiyong Islam na kung saan kapag ito’y nasira, hindi matatawag na mananampalataya ang isang tao, at sa ganitong klase ng kaisahan ng panginoon ipinadala ang mga rebelasyon kasama ang mga Propeta, at sa ganitong klase ng kaisahan ng panginoon nilikha ang paraiso at impiyerno.

 

Ang kaisahan ni Allah ﷻ sa Kanyang pagsamba ay kinakailangan na tayo’y magkaroon ng sinsiridad sa relihiyon, ang ating pagmamahal, pagdakila, pagtitiwala, pagdepende, pagkatakot, at pananalangin ay lahat kay Allah lamang. At wala tayong pagsumpa, pag-aalay o pagsasakripisyo maliban na ito’y para sa Allah lamang, at ganito ang ating gagawin sa lahat ng ating pagsamba, ito man ay pagsamba na nararamdaman ng ating puso, o pagsamba na ginagawa ng ating katawan, lahat ay iuukol sa Allah, nang walang halong pagtatambal.

 

 

والله تعالى أعلم…